Samakatuwid, ang layunin ng gawaing pagbabasa sa ating kurikulum ay hindi lamang gawing makatao ang kabataang Filipino—ang pagbabasa, higit sa anupaman, ay nakatuon dapat na gawing maka-Filipino ang kabataang Filipino.
– Bienvenido Lumbera (salin mula sa Ingles)
Handa ba tayo sa lahat ng mangyayari kapag ang maralitang mamamayan ay namulat at nagkamit ng tunay na literasi?
– Maria Luisa C. Doronila (salin sa Filipino ni Carolina S. Malay)
Ang gawi at bisa ng pagbabasa
Lagi’t laging uhaw ang ating isip sa kaalaman, sa mga bago at sa mga dating ideya at sa namamayagpag na pagtuklas ng maraming palaisip, iskolar, siyentipiko, at manunulat. Parang espongha ang ating isip na handang tumanggap at lumikom ng dagsa-dagsang impormasyon. Para itong memory drive ng computer na naghihintay pag-imbakan ng samutsaring mensahe at datos. Katumbas nito ang kahalagahan ng karanasan na sumasalikop ng bawat damdamin, pagpapahalaga, at pananaw na pinagdaraanan ng bawat tao sa bawat yugto ng kanyang buhay. Ano ang kinalaman nito sa pagbabasa? Ano ang bisa ng pagbabasa ng 100 aklat o higit pa para sa isang indibidwal at sa lipunang kanyang ginagalawan? Paano tayo hinuhubog ng mga aklat na binasa natin?
Sa isang banda, gusto kong maging personal at interpersonal ang koleksyong ito na aakay sa mambabasa sa mundo ng pagtuklas, pagtatanong, pagkritika, pagkamulat, at pagkilos. Personal dahil bunga ito ng mahabang panahon ng pagbabasa ko bilang mag-aaral, guro, at iskolar sa loob ng humigit-kumulang 30 taon, simula noong dekada 80 hanggang sa kasalukuyan.
Nakapook ang pagbabasa ko sa interseksyon ng apat na lunsaran: sa kahingian ng edukasyon, interes o hilig sa buhay, rekomendasyon ng ibang tao’t institusyon ng media/kulturang popular, at ang huli’y ayon sa sariling adhika’t adbokasiya sa buhay.
Marami sa atin ang napipilitang magbasa dahil itinatakda ito ng paaralan, ng kurikulum, o ng buong sistema ng edukasyon. Nakaprograma ang listahan ng mga aklat mula grade 1 hanggang 4th year college. Marami sa mga ito ay sipi mula sa mahahabang obra na inilagay sa mga textbook natin sa wika at panitikan sa Filipino o Ingles. Sasabihin ng mga historyador ng kaalaman, binabasa ang mga ito dahil kanonisadong mga aklat ito. Tinatawag na kanon (canon) ang akdang nagwagi sa patimpalak o kinilala ng mga kritiko at iskolar, nagkaroon ng kahalagahang historikal at sosyo-kultural, madalas pag-aralan at pagdebatihan sa loob at labas ng akademya, at naging muhon at pananda ng mga sumunod pang akda. Sumatotal, ang sirkulasyon at reproduksyon ng ganitong pagkilala sa isang akda ay nangyayari sa loob ng paaralan, nakasulat sa mga silabus, at nakalimbag sa aklat-antolohiya at textbook. Isang halimbawa ng kanon ang dalawang nobelang sinulat ni Jose Rizal na nagbigay-daan sa pagka-imortal at walang hanggang impluwensiya nito sa kamalayan ng mga estudyanteng pumapaloob sa sistema ng ating edukasyon. ‘Ika nga’y walang sinumang estudyanteng Filipino ang makakatakas na basahin ang dalawang nobelang ito.
Sa labas ng ganitong sistema ng literasi o programa ng pagbabasa sa loob ng klasrum, nariyan din ang sariling interes at hilig sa iba’t ibang paksa para maglibang at mamangha sa bagong mapupulot na kaalaman tulad ng astronomy, culinary arts, detective fiction, book of facts, komiks, handicrafts, fairy tales, at kung ano-ano pa.
Isama pati ang ibabahaging aklat ng iyong kaibigan tuwing kaarawan mo o ang ipapamanang antigong aklat ng iyong magulang, lolo’t lola at kung sino-sino pa sa iyong komunidad. Kabilang din dito ang ibinebentang aklat na may adaptasyon sa pelikula, telebisyon, at iba pang media. Nagiging de-kahong komoditi ang aklat na galing sa ibang bansa dahil sa komersyalisasyon at gahum ng kulturang popular na ibinubuhos sa maraming sikat na bookstore sa buong bansa.
Ang iba nama’y nagbabasa dahil sa ginagawa nilang pananaliksik o batay sa kalakaran ng kanilang hanapbuhay bilang manunulat, journalist, at editor. Ang huling kategorya ay batay sa adbokasiya sa buhay. Nagsisilbing inspirasyon ang mga aklat na kanilang binabasa para sa kanilang kamulatan at pakikisangkot sa lipunan.
Sa wari ko’y nagbasa’t nagbabasa tayo ayon sa isa o sa lahat ng dahilang nabanggit. Sa koleksyong ito, pinili ko ang mga aklat na sinulat ng mga Filipino at nasusulat sa wikang Filipino at Ingles. Ito kasi ang mga aklat na may akses ako at ito ang dalawang wikangnamulatan kong gamitin dulot ng polisiyang bilingual sa ating sistema ng edukasyon. Alam kong maraming mahuhusay na aklat sa iba’t ibang wika sa ating bansa, ngunit hayaan nating pag-aralan at tipunin ito ng iba pang akademiko sa bansa. Pasasaan ba’t lalabas din sa darating na hinaharap ang isang antolohiya na kakatawanin ang 100 o 1,000 aklat na sinulat ng mga Filipino mula sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas. Ang sa akin tulad ng iba na mahilig maglista ng kanilang mga aklat na binasa, nais kong ibahagi sa ibang mambabasa at gustong magbasa hindi lamang ang titulo ng aklat kundi ang pagtatasa sa pangunahing ideya ng aklat, ang layunin nitong inilalatag, ang kongklusyong ipinapalagay o pinapatunayan, at ang iniiwan nitong mensahe na sinuri at binuod ng inyong lingkod. Kumbaga ang inihahain ko’y parehong gabay at paanyaya sa mambabasa. Para itong “dagling-suri” ng mga aklat. Sa Ingles may tinatawag na blurb na inilalagay sa unahang mga pahina o madalas sa likod ng aklat. Karaniwang isinusulat ito ng mga kritiko, nagrebyu, at kapwa manunulat para hikayatin ang publiko na basahin ang aklat. Ang mga dagling suring ito’y bitin ‘ika nga dahil intensyonal ito upang ang mambabasa ang tuluyang magbasa sa kabuuan ng aklat.
Sa kabilang banda, gusto kong maging talambuhay ito ng nagbasa o sinumang mambabasa bilang isang indibidwal na ginusto, niyakag, o pinilit magbasa at nahirati sa kritikal na pagtatanongtanong matapos magbasa. Ano ang kasunod ng pagbabasa Siyempre, hindi ko ito masasagot para sa inyo dahil kayong mambabasa ang makakaturapo ng mga sagot sa inyong sariling pagkamalay at paglalakbay sa iba’t ibang aklat na inyong babasahin.
Gusto kong punan ang guwang ng pagbasa at pagkilos at iparating ang mensahe na ang mambabasa ang siyang magbubukas ng kanyang sariling pinto upang lakbayin ang sarili niyang destinasyon sa lipunang kanyang ginagalawan at sa mundo (o mga mundong) kanyang tutuklasin.
Hindi lamang simpleng pagtangkilik ng aklat ang pagbabasa. Maaaring maghalukay, sumisid, magpaluwal, at magpahupa ng emosyon—saya, lungkot, pag-ibig, galit, tagumpay, kabiguan, at marami pang iba—ang mga binabasa nating aklat. Sa salitang Griyego, katharsis ang tawag sa ganitong proseso. Maaaring sa proseso ng pagbabasa haharapin natin ang katotohanang pinagwawagwagan, ibinubuyangyang, iginagayak, inilalako, ipinapabatid, o ipinapadama ng mga manunulat. Maaaring totoo ito sa isang anggulo, batay sa ating obserbasyon, karanasan, pagninilaynilay, at pagkamulat. Posible ring pasisinungalingan nito ang matagal na nating aakalaing totoo. Anu’t anupaman, nagbabasa tayo dahil may dahilan, ginusto natin o hindi. Anu’t anupaman, may maiiwang bisa o dating ang mga aklat na ito sa ating isipan, damdamin, at karanasan. Kasa-kasama natin ang mga ito sa ating pakikipagsapalaran sa buhay. Kasiping natin ang mga ito sa paglikha ng desisyon at paiiraling paninindigan. Katuwang natin ang mga ito sa ating pangangarap, paghalakhak, pag-iyak, pagmamahal, pagpapakalma ng sarili sa maraming suliranin at alalahanin sa buhay, at sa ating pag-unawa na higit pa sa pagtangkilik at pag-intindi ng ating binabasang aklat ay nababago nito—malay man tayo o hindi—ang ating kamalayan at pananaw sa mundo. Ano man ang katuturan ng pagbabasa ng aklat, nasa mambabasa na ang karugtong ng kuwento, nasa kanya ang lilikhaing realidad, nasa kanya ang imahinasyong kikiliti ng kanyang pagkatao, nasa kanyang isipan ang magpapaningas ng liwanag sa madilim na pasilyo, nasa kanya ang walang katapusang posibilidad.
Ang mga aklat bilang pagtatalambuhay
Sabi ng marami, isang matalik na kaibigan ang aklat. Katunayan, ganitong mensahe rin ang bungad ng editor ng 501 Must-Read Books (2006) na naglalaman ng listahan ng rekomendadong mga aklat para sa madla (o sa pinapatungkulang mambabasa na may pambili ng libro) mula sa iba’t ibang larangan na sinulat ng iba’t ibangmanunulat mula sa iba’t ibang p anig ng mundo. Iyon nga lang hindi pa kasali rito ang isa man lang aklat na Filipino. Gayunpaman, mayroon din tayong mga aklat na naging matalik at magiging matalik nating kaibigan, baka nga maging kaaway pa’t maaari nating kamuhian. Subalit ang mga aklat na tumanim sa ating kamalayan at pagkatao ano man ang damdamin natin sa mga ito ang mag-iiwan ng pangmatagalang epekto sa ating pagkatao. Kung kaya’t sasabihin kong ang 100 aklat na naririto’y tala ng aking pakikipamuhay sa mundo ng pagbabasa. Sa madaling sabi’y nabuo ang talang ito sa kababasa ko ng mga aklat sa nakalipas na mga taon. Parang naging kalaro ko ang mga ito dahil kinulit nito ang imahinasyon ko. Sa tulong ng aking ina, binasa ko ang ABAKADA na nabibili noon sa isang sikat na bookstore sa Recto hanggang namalayan kong lagpas “ba-be-bi-bo-bu” na ang antas ng aking pagbasa at komprehensyon. Kinabisado ko ang mga textbook sa Science, MAPE, at History mula grade 2 hanggang grade 6 dahil alam kong paulit-ulit naman ang mga aralin dito. Kung kaya’t biniyayaan ako ng mga iskor na 100 sa periodical test, dumami ang mga kaibigan kong nagpapaturo sa akin, at lagi akong nasa honor roll simula noon. Dumating ang Funny Comics na kinahiligan kong basahin at pinanood ko ang Batibot at Sesame Street. Ito ang mga naging teaching assistant ni Nanay sa pagtuturo ng Filipino at Ingles sa bahay. Pinahiram sa akin ng aking tiya ang kanyang Basic Language textbook na nagmula pa sa Estados Unidos noong ako’y nasa grade 4 at dito nahasa nang husto ang aking Ingles. Inubos ko ang lahat ng Hardy Boys series sa aming silid-aklatan sa paaralan. Sa hayskul naman nagpatuloy ang pagbabasa ko sa iba’t ibang akda tulad ng mga tula ng mga makatang Tagalog, mga romance novellete sa Filipino, ang walang kamatayang Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli Me Tangere, at El Filibusterismo, at ang napulot kong Stranger on a Bridge ni James B. Donovan pati ang madalas kong hiramin sa aming public library sa Dasmariñas, Cavite—ang The Day of the Jackal, The Odessa File, The Fourth Protocol, at The Devil’s Alternative na sinulat lahat ni Frederick Forsyth. Idagdag pa riyan ang mga nobela ni F. Sionil Jose na The Pretenders at Mass na nagpamulat sa akin sa katayuan ng isang intelektuwal sa lipunang pinaghaharian ng iilang nasa kapangyarihan.
Nang pumasok ako sa kolehiyo at napadpad sa mundo ng pilosopiya, mas lalong lumawak ang listahan ko dahil halos lahat ng mga sinulat ng mga pilosopo mula kay Plato hanggang kay Foucault ay nabasa ko. Wala kaming lusot, ang siste’y requirement kasi. Naging kasabihan nga: read or perish! Tatlong beses kong binasa ang mga aklat sa pilosopiya bago ko naintindihan ang pinagsasabi ng mga pilosopo dahil mahirap talagang unawain ang mga ito. Naging paborito ko rin ang The 7 Habits of Highly Effective People ni Stephen Covey, Built to Last nina James Collins at Jerry Poras, atang The Brief History of Time ni Stephen Hawking. Naalala ko nang ako’y minsan napadpad sa UP Diliman, nasa 1st year college pa ako noon, napasama ako sa isang Christian youth group at wala kaming ginawa kundi basahin ang Bible at magnilay-nilay tungkol dito. Minsan darating ang pagkakataon na mababasa mo ang isang aklat dahil pinili ka ng pagkakataon. Kaya habang namimilosopiya ako noon sa Kolehiyo ng San Beda, nag-a-Hallelujah naman ako sa Diliman. Tila ironiya ang karanasang ito. Kung kayo naman ang magtatala ng 100 aklat, anong kuwentongbuhay ang nakaipit at nakasingit sa mga pahina ng inyong karanasan sa pagbabasa?
Pagbabalik-bayan ng isip
Sa pagpasok ko sa graduate at post-graduate school sa Unibersidad ng Pilipinas, namulat ako sa mga aklat na sinulat ng mga Filipinong iskolar sa larangan ng agham panlipunan, humanidades, at pilosopiya. Siguro kung mauumpisahan ng kabataan na basahin ang mga ito, lalong lalalim ang pagtingin nila sa kanilang sarili bilang Filipino at bilang mamamayan ng ating bansa. Kumbaga hindi lamang programang literasi kundi programang pagkamamamayan batay sa mga akdang babasahin (citizenship program through reading) mula elementarya hanggang kolehiyo na manggagaling sa iba’t ibang larangan ng kaalaman. Maganda sana na ang babasahin sa isang espesyalisado’t mataas na antas ng pag-aaral tulad ng Philippine Studies ay ibababa, ipapakilala, at ipapabasa sa mga mag-aaral sa publiko’t pribadong paaralan. Ano kayang himagsikang pangkaisipan ang lilikhain nito?
Mula sa pagkalublob ko sa maraming aklat, ideolohiya ng texto’t manunulat na banyaga, malalalim na pilosopiya, at matatayog na sining at kultura ng ibang bansa at mamamayan, umigting ang pangangailangan at pagnanasang magbalik-bayan ang isip ko. Ito ang naikintal sa akin ng programang MA at PhD Philippine Studies sa UP, na sa tingin ko’t aaminin kong huli na para sa mag-aaral na nasa edad 20 pataas. Subalit huli ma’t magaling, nakakahabol din.
Sa puntong ito kinilala ko nang husto ang aking sarili, binalikan muli ang ating kasaysayan, binasa ang ating panitikan, inusisa ang ating kultura at lipunan, at nagtanong nang nagtanong. Ang ilang tanong ko na di nasasagot ng pilosopiya ng Kanluran ay unti-unting nasasagot ng mga aklat na ito. Tunay ngang hindi lahat ng tanong ay masasagot ngunit kailangan pa ring itanong ang mga ito upang makahanap ng kasagutan sa marami pang paraan at pagkakataon. Mga tanong ito tulad ng:
- Sino ang P/Filipino?
- Ano ang sining at para kanino ito?
- Bakit mahalaga ang multikulturalismo at multilingualismo?
- Ano ang epekto ng kolonyalismo at neokolonyalismo sa ating kultura at lipunan?
- Bakit tumitindi ang krisis at suliranin ng lipunang Filipino?
- Sino ang “masa” at “elite” sa lipunan at paano nila nililikha ang kanilang katauhan at kamalayan?
- Ano ang nangyari noong dekada 70, sa panahon ng Rebolusyong EDSA, at ang mga sumunod na pangyayaring humubog sa kasalukuyang takbo ng ating pamahalaan at lipunan?
- Ano ang karanasan ng bata at kabataang Filipino sa gitna ng komersyalismo at kulturang popular?
- Bakit mahirap ang maraming Filipino? Saan nagmumula angkahirapang ito? Sa anong kontexto ito susuriin at paano ito susolusyonan?
- Paano maging manunulat?
- Ano ang mapagpalayang edukasyon?
- Ano ang epekto ng media at Internet sa pakikipagkapwa at ugnayan ng kabataan sa ibang mamamayan?
- Ano ang tungkulin ng mamamayan sa kanyang bayan/bansa?
- Bakit mapamahiin ang mga Pinoy?
- Bakit maka-Ingles at kolonyal mag-isip ang mga tinedyer?
- Paano bumagsak ang Rebolusyong 1896 at ang unang republika ng mga rebolusyonaryo?
- Bakit mahina ang siyensya at teknolohiya sa bansa?
- Bakit talamak ang korapsyon sa pamahalaan? Ito ba’y kalakaran ng mga nasa poder o kulturang nananalaytay sa ating lipunan?
- Ano ang konsepto at praktika natin ng pag-unlad? Uunlad pa ba ang ating bansa? Kailan at paano?
Hindi lang isang tanong sa bawat aklat ang mabubuo natin, maaaring isandaan, isanlibo’t walang katapusan. Madalas ang laboratoryo at experimentasyon sa masusi’t kritikal na tanong ay hindi nagaganap sa loob ng klasrum sa maraming pagkakataon. Ngunit mangyayari ito sa mabusisi, masusi, at mapanuring pagbabasa kahit saan man tayo naroroon. Kung maitatanong natin ito sa ating mga sarili, nagbabalik-bayan ang isip natin. Nagbabalikbayan tayo dahil paksang Filipino ang binabasa natin, Filipinong akda ang binabasa natin, at maka-Filipinong pananaw ang mamamayagpag sa mga akdang sinulat/nakasulat sa anumang wika sa loob at labas ng ating bansa. Kung mangyayari ito, ang himagsikang pangkaisipan ang mananaig sa ating kamalayan at magiging gabay sa pagbabago’t pagkilos. Sabi nga ni Henry David Thoreau:
Ang anumang nasimulan sa pagbabasa ay kailangang tapusin sa pagkilos.
Karugtong ng aking pagkilos ang matimbang ding tungkuling magsulat nang magsulat. Paalala nga ni Salman Rushdie:
Isang bersyon ng ating daigdig ang aklat. Kung ayaw mo nito, maaaring isantabi mo, o di kaya’y lumikha ka ng panibago.
— mula sa Introduksyon ng aklat na 100 Aklat sa Aking Pagkamulat: Pagbasa, Dagling-suri at Paanyaya, (Nuncio, R. 2011. Quezon City: C&E Publishing, Inc.)